-- Advertisements --

Patuloy pa ring pinag-aaralan ng Department of Agriculture (DA) ang posibilidad ng pag-angkat ng mga puting sibuyas at iba pang mga gulay, kasunod ng naging epekto ng sunod-sunod na bagyo sa sektor ng pagsasaka.

Sa isang pahayag, sinabi ni DA Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. na wala pang pinal na desisyon ukol dito, bagkus inaaral pa ang kasalukuyang sitwasyon sa mga sakahan na pangunahing nagsu-suply ng mga agricultural commodities.

Sinabi ng kalihim na ito ang pangunahing pokus ngayon ng Bureau of Plant Industry – ang pagtungo sa mga lalawigan na labis na napuruhan sa pananalasa ng mga bagyo.

Batay sa inisyal na report aniya, maraming mga probinsya na nagsusuply ng lowland at highland vegetables ang inaasahang magkakaroon ng mababang production, lalo na ang mga probsinya sa Cordillera, Cagayan Valley, at Ilocos Region.

Ilan sa mga agri commodities na nakikitaan ng pagbaba sa supply ay ang puting sibuyas, na ngayon ay nagsimula nang tumaas ang presyo mula sa dating P80 kada kilo tungo sa P120 kada kilo.

Maliban sa puting sibuyas, nakikitaan na rin ng pagbaba sa supply ng carrots, kamatis, brocoli, at iba pa.

Una nang sinabi ng DA na inaaral na ang posibilidad ng pagkuha ng dagdag na supply ng mga gulay mula sa Mindanao at Visayas dahil sa epekto ng mga bagyo sa mga sakahan sa Luzon. Ito ay isa sa mga pangunahing plano ng ahensiya, maliban sa importasyon.