Ikinatuwa ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. ang naging desisyon ng Office of the Ombudsman na alisin nito ang suspension order laban sa sa higit 20 kawani ng National Food Authority.
Sila ay unang naiugnay sa umano’y anumalya sa pagbebenta ng NFA Buffer stock sa ilang trader sa paluging halaga.
Kung maaalala, kinumpirma ni Ombudsman Samuel Martires ang pagkakaalis nito sa mga listahan ng kawani at opisyal na sinuspinde.
Ito ay matapos ang isinagawang imbestigasyon at lumalabas sa naging beripikasyon na nagkaroon ng pagkakamali sa naging datos na isinumite ng DA.
Punto ni Sec. Tiu Laurel, ang desisyon ng Ombudsman ay isang magandang balita.
Nangangahulugan lamang aniya ito na makakabalik na ang ilang kawani ng NFA sa trabaho.
Kaugnay nito ay umaasa naman ang kalihim na maalis na rin ang suspension order ng ilan pang kawani para maibalik na sa normal ang operasyon ng NFA.
Iginiit pa ng opisyal na hindi na nila naberipika ang listahan ng ibinigay sa kanila ng NFA at agad na isinumite ito sa anti graft body.
Nagpapatuloy rin ang sariling imbestigasyon ng DA sa isyung kinasasangkutan ng NFA.