Ipinag-utos na ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pamamahagi ng milyon-milyong halaga ng fuel subsidies para sa libo-libong mga magsasaka ng bansa.
Ito ay kasunod na rin ng pag-apruba ng kalihim sa pamamahagi ng naturang tulong kung saan sa 2024 budget ay naglaan ang gobyerno ng hanggang P510.447 million.
Inaasahang makikinabang dito ang hanggang 160,000 na mga magsasaka mula sa ibat ibang bahagi ng bansa.
Kabilang sa mga makakatanggap ay ang mga magsasakang nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors of Agriculture na may mga ginagamit na agricultural machinery, at mga kagamitan.
Ang mga ito ay makakatanggap ng tig-P3,000 na subsidiyang para sa pambili ng petrolyo.
Layunin ng naturang programa na maibsan ang pasanin ng mga mahihirap na magsasaka sa gitna na rin ng tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa.