Inatasan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang Philippine Crop Insurance Corp. (PCIC) na isa-moderno ang mga operasyon nito at bumuo ng mas abot-kayang insurance service para sa mga magsasaka at mga mangingisda ng bansa.
Ito ay upang mapalawak ang proteksyon na ibinibigay ng ahensiya sa agriculture sector sa panahon ng kalamidad, outbreak ng mga sakit sa hayop, at iba pang banta sa pagsasaka.
Ayon kay Sec. Laurel Jr, dapat ay prayoridad ng PCIC ang digitalization, technology upgrade, at iba pang paraan ng pagsasamoderno sa buong ahensiya para sa mas mabilis na pagtulong sa mga magsasaka.
Ang PCIC ay dating nasa ilalim ng Department of Agriculture ngunit noong September 2021 ay ipinasok ito sa Department of Finance sa pamamagitan ng EO 148 na pinirmahan ni dating PRRD.
Matapos ang halos tatlong taon, ibinalik ito ni PBBM sa ilalim ng DA sa pamamagitan ng EO No. 60.
Ayon kay Sec. Laurel, panahon na upang mag-level up ang PCIC, kasabay ng modernization program ng DA.
Ang PCIC ay may annual budget na P4.5 billion na ginagamit sa pagpapasiguro ng mga pananim, palaisdaan, makinarya, at iba pang gamit at produkto ng mga magsasaka.
Ngayong taon, target nitong maipasiguro ang mahigit 1.2 million na mga magsasaka.