Pinaiimbestigahan ni Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang umanoy nangyaring importasyon ng mga kambing na kontaminado o naapektuhan ng Q fever.
Ipinag-utos ng kalihim ang naturang imbestigsyon kasunod ng mga natanggap na impormasyon kung saan ang mga lokal na kambing sa Sta Cruz, Marinduque ay nahawaan ng naturang sakit.
Ang naturang lugar ang siyang unang pinagdalhan sa mga imported na kambing. Gayonpaman, hindi pa natutukoy sa ngayon ang bansang pinanggalingan ng mga ito, date of arrival ng mga kambing, at kung gaano karami ang mga ito.
Binuo ni Laurel Jr. ang isang team na may tatlong miyembro para tukuyin ang mga taong nasa likod nito.
Ang naturang team ay pangungunahan ni DA Assistant Secretary for policy and regulations Paz Benavidez II bilang chairperson, habang uupo bilang miyembro sina Assistant Secretary Carlos Carag at legal services director Willie Ann Angsiy.
Inatasan din ng kalihim ang lahat ng mga bureau at opisina ng DA, attached agencies and corporations, na tumulong sa isasagawang fact-finding.
Ang fact-finding team ay nabigyan ng 30 days para isumite ang initial report kaugnay nito.
Ayon sa United States Center for Disease Control and Prevention, ang Q fever ay isang sakit na dulot ng Coxiella burnetii bacteria.
Nakaka-apekto ito sa mga kambing, tupa, at mga baka.
Maaari din umano itong maipasa sa mga tao kapag nalanghap ang mga alikabok na nanggaling sa mga dumi, ihi, at gatas ng mga hayop na kuntaminado nito.