Ipinag-utos na ni Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa Sugar Regulatory Administration(SRA) ang pag-imbestiga sa aktwal na volume ng iba’t-ibang mga produktong asukal na pumapasok sa Pilipinas.
Maliban sa mismong asukal, pinapa-imbestigahan ng kalihim ang iba pang sugar products na kinabibilangan ng glucose, sucrose, dextrose, maltose, maltodextrin at lactose.
Ginawa ng kalihim ang nasabing kautusan kasabay na rin ng naunang reklamo ng United Sugar Producers Federation (UNIFED) ukol sa umano’y nakakaalarmang bultong ng asukal at mga sugar premix na pumapasok sa bansa.
Ayon sa grupo, umaabot mula 200,000 hanggang 300,000 metriko tonelada ang nakakapasok dito kada taon na kalimitan umanong ipinupuslit.
Batay sa naging kautusan ni Sec. Tiu-Laurel Jr, kailangang tukuyin at aralin ng SRA ang tungkol sa naturang usapin at alamin kung kailangang kumuha ng clearance para rito.
Katwiran naman ni UNIFED President Manuel Lamata, ang bulto ng mga sugar premix na pumapasok sa bansa ay representasyon ng hanggang 4 million sako ng asukal at tinatayang nagkakahalaga ng P10 billion.
Ang kawalan aniya ng regulasyon para sa mga naturang produkto ay nakakasira sa sugar industry ng bansa.