Nagbabala si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na magkakaroon ng rice shortage kung magkakaroon ng temporary restraining order (TRO) laban sa EO 62 ni PBBM.
Maalalang ang naturang EO ay ang opisyal na pagtatapyas sa taripang sinisingil sa mga inaangkat na bigas. Unang nagpahayag ang ilang grupo ng mga magsasaka na maghahain ang mga ito ng TRO upang harangin pansamantala ang pagpapatupad dito.
Ayon kay Laurel, kung maglalabas ang Supreme Court ng 60-day temporary restraining order (TRO) ay posibleng magkaroon ng rice shortage sa bansa.
Katwiran ng kalihim, kung magkakaroon ng TRO, walang mga importer na mag-aangkat ng bigas habang ang maaari lamang nilang gamitin ay ang kanilang natitirang stocks.
Ang kasalukuyang buffer stock aniya ay maibebenta na sa panahong matatapos o aalisin ang TRO.
Umaasa ang kalihim na hindi ito tuluyang mangyayari at hindi kakatigan ng SC ang anumang petisyon na humihiling ng isang TRO na maaaring ihain ng mga grupo.
Iginiit din ng kalihim na masasaktan lalo ang mga mamamayan at ang pamahalaan kung magkakaroon ng TRO dahil sa posibilidad ng pagtaas ng presyo ng bigas.
Posible aniyang samantalahin ng mga traders at retailers ang mababang supply.