Nagbabala si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa mga importers ng bansa na posibleng mananamantala sa importasyon ng ibat bang mga produkto para lamang mapataas ang kita.
Giit ng kalihim, hindi ito magdadalawang-isip na i-blacklist ang mga ito.
Ginawa ng kalihim ang babala kasunod ng naunang pagkansela sa permit ng isang rice importer mula sa Batangas na umano’y 20% lamang ng inangkat na bigas ang kaniyang idineklara.
Ayon sa kalihim, naghihigpit na ang ahensiya sa inspeksyon sa mga importer upang matiyak na dumadaan sa tamang proseso ang mga imported products, matigil ang smuggling, at iba pang uri ng pananabotahe sa ekonomiya.
Maliban sa mga rice importer, nakahanda rin aniya ang ahensiya na kanselahin o i-blacklist ang iba pang mga importer.
Sa katunayan, nakatakda aniyang i-blacklist ang apat na importer dahil sa ibat ibang mga violation.
Kinabibilangan ito ng mga umaangkat ng bigas, isda, at asukal.
Samantala, nakatakda namang pumasok sa isang kasunduan ang DA at Food and Drug Administration (FDA) upang mamonitor ang importasyon ng mga processed goods para sa mas mahigpit na pagbabantay sa mga border at maresolba ang agricultural smuggling.