VIGAN CITY – Kakausapin umano ng bagong agriculture secretary ang mga local rice traders sa bansa nang mahikayat ang mga ito na bilhin ang produkto ng mga magsasaka.
Ito ay may kaugnayan pa rin sa target ng Department of Agriculture na mayroong sapat na suplay ng pagkain sa bansa habang unti-unting umuunlad ang mga magsasaka at ang sektor ng agrikultura bilang legacy ng Duterte administration.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na kapag natapos na umano ang formal turn-over sa pagitan nila ni dating Agriculture Secretary na ngayo’y Mindanao Development Authority (MinDa) chief Manny Piñol, aasikasuhin na umano nito ang pakikipag-usap sa mga local rice traders lalo pa’t malapit na ang anihan ng ilang magsasaka sa bansa.
Ayon kay Dar, kailangan umanong makipagtulungan ang mga local rice traders sa pagbili ng produkto ng mga magsasaka dahil ang National Food Authority ay may kapasidad lamang na bumili ng suplay ng pagkain para sa loob ng 30 araw.
Muli nitong iginiit na ang tunay na mandato ng DA ay siguruhin na mayroong sapat na pagkain ang bansa kasabay ng pag-unlad ng mga magsasaka at mangingisda kaya ito ang kaniyang tutukan sa kaniyang muling panunungkulan sa ahensya.