Tahasang inihayag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel na walang makukuha na tulong pinansiyal ang mga magsasaka ng gulay na nalugi dahil naperwisyo ng peste ang kanilang produkto, tinamaan ng andap at maging oversupply.
Sa pagharap ni Laurel sa press briefing sa Malakanyang sinabi nito na walang pondong available para sa agarang tulong sa mga apektadong magsasaka.
Binigyang-diin ni Laurel na hindi siya naniniwala sa cash ayuda dahil pansamantala lamang ang idudulot nito, bagkus ay mas magiging epektibo kung tutulong sila sa ibang paraan tulad ng pamamahagi ng buto o seeds at mga binhi gayundin ng mga pesticides.
Nilinaw din ni Laurel na ginagawa ng gobyerno ang lahat para matulungan pa rin ang mga apektadong magsasaka dahil tungkulin ito ng pamahalaan.
Dagdag pa ng kalihim may inilatag na rin silang mga paraan pata tugunan ang nasabing mga insidente gaya ng pagpapatayo ng malalaking storage facilities kung saan ibabagsak ang mga sobra sobrang produkto mula sa ani ng mga magsasaka.
Pangalawa, bibilhin ng gobyerno ang sobrang produkto at ipakakalat ito sa mga kadiwa stores sa ibang panig ng bansa.