Nakahanda ang Department of Agriculture na tumugon sa maaaring maging epekto ng bagyong Carina sa sektor ng pagsasaka, kasabay ng patuloy na pananalasa ng naturang bagyo sa malaking bahaging Luzon.
Batay sa ulat ng DA – DRRM Operations Center, nakapaghanda na ito ng iba’t-ibang mga tulong na nakahandang ipamahagi sa mga magsasaka sa buong bansa na maaaring maapektuhan ng naturang bagyo.
Kinabibilangan ito ng 72,174 na sako ng mga binhi ng palay, 39,546 na sako ng mga binhi ng mais, at 59,600 na pakete ng mga binhi ng high value commercial crops. Nakahanda rin ang 1,966 na kilo ng iba’t-ibang buto ng mga gulay na ipamahagi sa mga magsasaka.
Ayon sa DA, nakahanda rin ang Survival and Recovery (SURE) Loan Program nito para sa mga magsasaka, sa ilalim ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC).
Sa ilalim nito ay maaaring makakuha ang mga magsasaka ng utang na hanggang P25,000 na maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon na walang anumang interest.
Maliban dito, nakahanda rin umano ang Quick Response Fund(QRF) ng ahensiya para sa posibleng isasagawang rehabilitation effort sa mga maaapektuhang lugar.
Regular din umano ang koordinasyon ng ahensiya sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) para sa pagpapasiguro sa mga panananim ng mga magsasaka, bago pa man ang pagtama ng naturang bagyo.
Pagtitiyak ng ahensiya, nakabantay ito sa anumang posibleng idulot ng naturang sama ng panahon sa mga sakahan.