Sisimulan na sa buwan ng Agosto ang trial para sa 150,000 na bakuna laban sa African Swine Fever(ASF).
Ayon sa Department of Agriculture, sasailalim sa controlled trial ang 150,000 doses ng AVAC African swine fever (ASF) vaccine mula sa Vietnam at inaasahang magtutuloy ito hanggang sa buwan ng Setyembre.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang mga naturang bakuna ay i-aalok ng libre sa mga commercial farm, semi-commercial, at mga clustered backyard farms sa ilalim ng istriktong superbisyon ng DA.
Sa kasalukuyan ay isinasapinal na aniya ang mga guidelines na susundin sa pagpapatupad sa naturang programa, kasabay ng mga isinasagawang public consultation.
Ayon pa sa kalihim, hindi pipilitin ang mga farm owners at tanging sa mga magbo-boluntaryo lamang isasagawa ang trial.
Una nang naglaan ang ahensya ng hanggang P350 million na pondo para makabili ng hanggang 600,000 na bakuna. Ang naturang trial ay isasagawa sa mga lugar na nakapagtala ng malawak na epekto ng ASF, partikular na ang Batangas at Mindoro.
Ituturok naman ang mga naturang bakuna sa mga grower at mga fattener na baboy.
Ayon kay Sec. Laurel Jr, pagkatapos ng unang trial ay pag-aaralan ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang epekto ng bakuna at kung gaano ito ka-epektibo.
Kung matukoy na epektibo, i-eendorso ito sa FDA para sa final approval at registration para sa commercial use.