-- Advertisements --

VIGAN CITY – Pinawi ng Department of Agriculture (DA) ang pangamba ng ilang consumer hinggil sa kaunting suplay ng karne ng baboy lalo pa’t hindi na lamang sa Luzon laganap ang African Swine Fever (ASF) virus dahil pati sa Mindanao ay mayroon na ring naitalang kaso nito.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, tiniyak ni Agriculture Sec. William Dar na mayroong sapat na suplay ng karne ng baboy sa mga pamilihan dahil ang mga apektado lamang umano ng ASF ay 1.7 porsyento mula sa 12.7 milyong national swine population.

Ayon kay Dar, mula umano sa 216, 000 na nakatay na baboy, 13 porsyento o kaunti lamang sa mga ito ang talagang apektado ng ASF ngunit dahil ipinapatupad nila ang 1-7-10 protocol ay kailangang katayin ang mga alagang-baboy na sakup ng one-kilometer radius.

Maliban pa rito, tiniyak din ng kalihim na stable ang presyo ng karne ng baboy dahil sapat naman ang suplay ng karne sa mga pamilihan.