-- Advertisements --

Target ngayon ng Department of Agriculture (DA) na makapagani ng 20.4 million metric tons ng palay ngayong taon na mas mataas ng 400,000 metric tons kumpara noong 2023.

Ayon kay DA Assistant Secretary for Special Concerns and for Official Development Assistance at Spokesperson Arnel De Mesa, positibo ang kanilang ahensya na maaabot ang naturang target dahil sa inaasahang mas maganda na panahon ngayon sa ating bansa.

Dagdag pa dito ay ang kanilang nagpapatuloy na mga programa at mga ikinakasang mga aktibidad para maabot ng kanilang departamento ang target na ani ngayong taon.

Positibo din aniya ang pananaw ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na maabot ang 20.4 million metric tons sa kabila ng nananatiling tone-toneladang bigas sa warehouses ng National Food Authority (NFA).

Samantala, ani De Mesa, sapat naman din aniya ang budget na kanilang patuloy na ipinapamahagi sa mga magsasaka para maabot ang ganitong lebel ng ani ngayong taon.

Aniya, mas mataas ang budget na naibibgay sa mga lokal na magsasaka mula sa National Rice Program para mapanatili ang masaganang ani sa bansa.

Dagdag pa ng tagapagsalita, ngayong taon din kasi maguumpisa ang implementasyon ng naamyendahang Rice Tarrification Law kung saan naging triple ang matatanggap na budget allocation ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na mula sa P10 bilyon ay naging P30 bilyong piso na.