Siniguro ng Department of Agriculture(DA) na may akmang burial site o lugar kung saan ibabaon ang mga baboy na kailangang patayin dahil sa epekto ng African Swine Fever(ASF).
Ayon kay DA Assistant Secretary for Swine and Poultry Constante Palabrica, natukoy na ng ahensiya ang ilang central burial site kung saan dadalhin ang mga baboy.
Ito ay bahagi aniya ng mas malawak na pag-kontrol ng ahensiya at tuluyang mapigilan pa ang pagkalat ng virus mula sa mga kasalukuyang apektadong lugar patungo sa mga una nang nalinis.
Mula nang magkaroon ng outbreak sa Pilipinas dahil sa ASF, labis na bumaba ang populasyon ng mga baboy sa bansa.
Mula sa dating 12.7 million noong 2019 ay umabot na lamang ito sa 9.9 million sa pagtatapos ng 2023.
Batay sa datos ng Bureau of Animal Industry (BAI), kumalat ang ASF sa 17 region sa buong Pilipinas at naapektuhan ang 74 province.
Hanggang nitong ikalawang linggo ng Agosto, mayroon pang 64 munisipalidad at 22 probinsya sa buong Pilipinas na apektado ng ASF.