Nilinaw ni Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary for Agribusiness, Marketing and Consumer Affairs Atty. Genevieve Velicaria-Guevarra na ang ipapatupad na maximum retail price (MRP) ay para lamang sa imported na bigas.
Ginawa ng opisyal ang paglilinaw kasabay ng implementasyon ng MRP ngayong araw, Jan. 20.
Ayon kay Guevarra, hindi saklaw ng bagong polisiya ang mga locally-produced na palay na ibinebenta sa mga merkado, bagkus tanging ang mga imported premium rice lamang ang papatawan ng MRP.
Ang mga ito aniya ay magandang klase dahil zero hanggang limang porsyento lamang ang broken o durog habang nasa proseso ng paggiling.
Sa ilalim ng bagong polisiya, hanggang P58 lamang ang pinakamataas na presyo ng bigas na maaaring ilatag sa mga imported premium rice.
Ito ay ipapatupad lamang sa Metro Manila.
Ayon kay Asec. Guevarra, regular na mag-iikot ang team ng DA para mabantayan ang implementasyon nito sa lahat ng mga merkado sa buong National Capital Region (NCR).
Muli ring binigyang-diin ng opisyal na ang naturang hakbang ay parte ng pagnanais ng kasalukuyang administrasyon na mapababa ang presyo ng bigas at magawang abot-kaya para sa mga consumer.