Siniguro ng Department of Agriculture na nakatutok ito sa kalagayan ng mga magsasakang apektado sa nakalipas na pagsabog ng bulkang Kanlaon.
Batay sa report ng Department of Agriculture – DRRM Operations Center, agad nang na-acivate ang mga local operations center ng Region 6 at Region 7 kasunod ng nangyaring pagputok.
Agad ding binuksan ang Livestock Rescue Evacuation Center para sa mga ilikas na mga hayop na apektado sa nangyaring pagsabog.
Agad din umanong nagsagawa ng assessment ang ahensiya sa impact ng nangyaring pagsabog sa buhay at kabuhayan ng mga magsasaka at mga mangingisdang naapektuhan.
Sa kasalukuyan ay patuloy umano ang koordinasyon ng DA sa mga LGU na upang matukoy ang kalagayan ng mga magsasaka at makapagbigay ng kaukulang tulong.
Agad ding nagpre-position ang ahensiya ng mga binhi ng palay, mais, at mga high value commercial crops, gamot, at mga pagkain para sa mga hayop na maaring apektado.
Ayon sa ahensya, regular ang ginagawang pag-update sa animal inventory at listahan ng mga lokasyon na posibleng gamitin bilang Animal Evacuation Centers, kasama na ang pagtukoy sa mga resources na magagamit sa mga inilikas na hayop.
Siniguro naman ng ahensiya na tuloy-tuloy na babantayan ang sitwasyon sa naturang lugar, at agad pagtugon sa pangangailangan ng mga magsasaka.