Tiniyak ng Department of Agriculture na may sapat na suplay ng bigas at nananatiling stable ang presyo ng nasabing produkto.
Ginawa ng ahensiya ang pagtitiyak sa kabila ng pagkwestyon ng Federation of Free Farmers (FFF) sa discrepancies sa datos sa produksiyon ng bigas at imbentaryo na inilabas ng Philippine Statistics Authority na posibleng nangangahulugan aniya ng manipis na suplay sa mga susunod na buwan.
Nanindigan din si Agriculture Assistant Secretary at spokesperson Arnel De Mesa na lahat ng data na ginamit ng DA ay base sa official figures mula sa PSA kung saan mayroong 1.64 milyong metrikong toneladang imbestaryo sa unang kwarter ng taon.
Mayroon din aniyang production data na 4.69 million metric tons ng palay at mayroong 3.02 million MT na bigas gayundin ang mga inangkat pa na bigas kung saan pumalo sa 1.1 million MT ang imported rice noong first quarter.
ipinaliwanag din ng DA official na base sa kanilang pagtaya, mayroong 60 hanggang 66 araw na rice stock inventory sa pagtatapos ng unang kwarter kayat mayroon aniyang sapat na suplay hanggang sa lean seaon sa kalagitnaan ng Agosto hanggang sa kalagitnaan ng Setyembre bago ang susunod na anihan para sa wet season.
Nananatili din aniyang stable ang retail price ng bigas sa pagitan ng P48 at P53 kada kilo para sa well-milled rice habang ang prevailing price naman ay mula P50 hanggang P52 kada kilo.