Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na walang biglaang pagtaas ng presyo ng bigas sa kabila ng posibleng epekto ng Bagyong Julian at hindi pa naipapadalang mga imported na bigas sa mga daungan ng Maynila.
Sa isang panayam, sinabi ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa na mahigpit nilang binabantayan ang epekto ng bagyo sa Ilocos region, Cagayan Valley, at ilang bahagi ng Cordillera Administrative Region (CAR).
Paliwanag pa ng opisyal na may magandang suplay ng lokal at imported rice.
Umaasa din si ASec. De Mesa na hindi maging malawak ang pinsala ng bagyo sa sektor ng agrikultura at mapanatili lamang mula 500,000 metriko tonelada (MT) hanggang 600,000 MT ang inaasahang taunang pagkalugi sa produksyon ng palay.
Samantala para sa mga hindi pa nailalabas na mga kargamento sa mga daungan, sinabi ni De Mesa na wala itong epekto sa retail price dahil karamihan sa 888 na naiulat na overstaying na shipping containers ay na-claim na.