DAVAO CITY – Pinaliwanagan ng Department of Agriculture (DA-11) ang mga lumad na naninirahan sa bulubundukin na bahagi ng Davao Occidental at parte ng one kilometer radius kung saan nangyari ang outbreak ng African swine fever (ASF) kung bakit kailangan patayin ang kanilang mga alagang baboy.
Ito ay bahagi pa rin sa pagsusumikap ng ahensiya para hindi maapektuhan ang iba pang bahagi ng lalawigan sa nasabing disease.
Ayon sa DA, kailangan na maipaliwanag ng maayos sa mga lumad partikular na ang mga tribung B’laan kung bakit kailangan na isailalim sa culling ang kanilang mga baboy at kung ano ang mga tulong mula sa gobyerno ang ibibigay sa kanila.
Nabatid na isa ang pag-aalaga ng baboy sa mga hanapbuhay ng mga lumad sa nasabing lalawigan.
Samantalang sinabi naman ni Noel Provido, tagapagsalita ng Department of Agriculture-Davao na aasahan na matatapos na ngayong linggo ang culling sa mga baboy sa Davao Occidental partikular sa Malita at Sta. Maria na apektado ng ASF.
Sinabi rin ni Don Marcelino Mayor Michael Maruya na matatagalan pa ang culling sa kanilang lugar dahil may mga barangay umano na sakop sa kanilang lalawigan ang nasa mga bundok na lugar.