Mariing itinanggi ni Agriculture Sec. William Dar ang ulat na sa Pilipinas naitala ang pinakamaraming namatay na baboy dahil sa African Swine Fever (ASF).
Sa kumalat na impormasyong nagmula umano sa World Organization for Animal Health, lumalabas na 80 percent ng mga nagkasakit ng ASF ay natukoy sa ating bansa.
Pero ayon kay Sec. Dar, maling-mali ang data dahil hindi lahat ng namatay na baboy dito ay dahil sa ASF.
Ang iba umano ay namatay sa panganganak, habang mayroon ding dahil sa hog cholera.
Concentrated lang din umano ang mga kaso ng ASF sa Central Luzon at Southern Tagalog, kaya malabong umabot sa mahigit 8,000 ang nasawing baboy na siya namang binabanggi ng ilang grupo.
Giit pa ng kalihim, sa China ay higit na marami ang tinamaan ng ASF kumpara sa Pilipinas kaya duda siya sa data na pinagbatayan ng mga report na 80 percent ng swine death record ay mula sa Pilipinas.