LEGAZPI CITY- Hindi pa rin pinapayagan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na bumalik sa kanilang tahanan ang nasa 251 na evacuees na apektado ng lanslide sa Brgy. Burabod, Libon, Albay, dahil sa magkasunod na bagyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay MDRRMO Libon head Ian Secillano, mananatili muna ang mga ito sa evacuation center habang wala pang relocation site.
Maaari naman umanong sumaglit ang mga ito sa mga tahanan kung umaga at hindi umuulan subalit kailangang agad na magbalik upang magpalipas ng gabi sa evacuation center.
Hindi umano kasi inaalis ang posibilidad na gumuho ang lupa sa anumang oras dahil saturated na mula sa mga pag-ulan.
Dagdag pa ni Secillano, nakipag-ugnayan na rin sa ibang barangay na makikipasok muna ang mga mag-aaral ng Burabod Elementary School na na-displace rin matapos ang lanslides.
Samantala, hindi naman nagkukulang sa relief assistance ang lokal na pamahalaan, para sa mga evacuees.