CAUAYAN CITY – Pumalo na sa mahigit 600 na mga baboy ang isinailalim sa culling matapos na tamaan ng African swine fever (ASF) ang ilang barangay sa Delfin Albano, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Municipal Agriculturist Emil June Ranchez ng Delfin Albano, Isabela, nasa 12 nang barangay ang apektado ng ASF na kinabibilangan ng Barangay Bayabo, Villaluz, Capitol, Calinaoan sur, Rizal, Ragan Sur, San Juan, San Antonio, Aga, Villa Pereda, Aneg at San macario.
Umaabot na sa mahigit isang milyong piso ang halaga ng mahigit 600 baboy na isinailalim sa culling saka ibinaon sa naturang bayan.
Aminado naman ang Municipal Agriculture Office na napakabilis ang pagkalat ng sakit ng mga baboy kaya’t hirap ang kanilang tanggapan na makontrol at i-contain ang virus sa lugar.
Pinalakas na rin nila ang pagsasagawa ng ASF checkpoint sa bayan ng Delfin Albano.
Paalala ni municipal agriculturist sa mga mamamayan sa Delfin Albano na makiisa sa kanila upang sama samang mapuksa at malabanan ang sakit ng mga baboy sa bayan.