KALIBO, Aklan—Daan-daang mga deboto ni Sr. Sto. Niño de Kalibo ang pumipila bawat oras upang makapaapak sa imahe ng Sto. Niño na sentro ngayon ng selebrasyon ng Ati-Atihan Festival 2025 sa bayan ng Kalibo, Aklan.
Matiyagang pumipila ang mananampalataya mula pa sa iba’t ibang bayan at labas ng probinsya upang makahalik sa imahe ng Sto. Niño na pinaniniwalaan ng mga ito na milagroso.
Paliwanag ni Rev. Fr. Salvado Piad, Parish Team Ministry Member ng Cathedral Parish of St. John the Baptist, Kalibo na ang paapak o “Paeapak” ay isa sa mga aktibidad ng simbahang katolika na sumisimbolo ng debosyon, panata, pagiging mapagkumbaba at pagmamahal kay Sr. Sto. Niño.
Itinuturing na repentance ang pagpahid ng uling sa mukha at ang pagsasayaw sa saliw ng tambol dala-dala ang imahe ng Sr. Sto. Niño kung saan marami sa mga ito ang nagpapatunay na nakaranas ng pagiging milagroso ng imahe.
Ang kapistahan ni Sr. Sto. Niño de Kalibo ay dinadayo bawat taon ng mga deboto at mananampalataya mula pa sa iba’t ibang bahagi ng bansa at maging mga turista mula pa sa ibayong dagat.
Ang pilgrim mass na pangungunahan ni Archbishop Jose Corazon Talaoc ng Diocese of Kalibo ay gaganapin sa araw ng Linggo, Enero 19, dakong alas-7:00 ng umaga na inaasahang dadaluhan ng libo-libong katao.