LEGAZPI CITY – Nagsasagawa na ng recovery program ang Albay Wildlife Farm para sa mga hayop sa loob ng pasilidad na naapektuhan ng Bagyong Tisoy.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dr. Pancho Mella, nasa 400 hayop ang nasa pangangalaga ng farm na sa ngayon ay binibigyan ng bitamina.
Mahigpit na tinututukan ang mga ito upang hindi ma-trauma sa nagdaang sama ng panahon.
Ayon kay Dr. Mella, sa 65 species ng mga hayop sa pasilidad, pinakaapektado ang mga ibon na may mahinang resistensya kaya’t mabilis tamaan ng sakit.
Abiso ng opisyal na posibleng abutin pa ng ilang linggo bago muling mabuksan ang wildlife farm para sa publiko.
Maliban sa mga hayop, inaasikaso na rin sa kasalukuyan ang iba pang istruktura, hawla at iba pang atraksyon na napinsala ng bagyo.