BUTUAN CITY – Patuloy pa ang pag-rescue ng mga opisyal ng Brgy. Los Angeles nitong lungsod ng Butuan sa kanilang mga residente sa Purok 7, 14 at 16 na apektado sa nagpapatuloy na bakbakan sa pagitan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) at pulisya.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Kapitan Irene Monden na nagsimula ang sunod-sunod na mga putok ng armas nitong alas-10 ng umaga na palapit ng palapit sa kanilang lokasyon kung kaya’t nagsipaglikas na ang 200 mga indibidwal.
Sa inisyal na nalaman ng kapitan, may iilan silang mga residenteng sugatan na sya nila ngayong kinukumpirma habang nagbibigay ng mga pagkain para sa mga nagsisilikas.
Hindi pa pinayagan ng militar ang pagbalik ng mga residente sa kanilang tahanan hangga’t di pa umano maki-clear ang area mula sa presensya ng makaliwang grupo.