-- Advertisements --

Daan-daang Jewish ang nagprotesta at nagtipon sa Trump Tower sa New York upang ipahayag ang suporta sa mga Palestino at kay Mahmoud Khalil, isang Palestinian na estudyanteng aktibista na dinakip ng gma awtoridad.

Ang protesta ay tumagal ng mahigit isang oras na naganap sa loob ng kilalang Manhattan skyscraper na may-ari ng Trump Organization at ng personal na bahay ni US President Donald Trump.

Nagsuot ng magkakaparehong pulang T-shirt na may nakasulat na ”Jews say stop arming Israel” ang mga nag protesta at ito ay inorganisa ng Jewish Voice for Peace.

Na sorpresa naman ang mga guwardiya at pulis nang magsimula ang mga demonstrador na magsalita at hawak ang mga slogan, kabilang ang ”fight Nazis, not students,” na tumutukoy sa ginawang pag-aresto ng administrasyong Trump sa mga banyagang estudyante na kasangkot sa mga pro-Palestinian na protesta.

Dahil dito, 98 katao ang inaresto sa mga kasong tulad ng trespassing. Ang mga demonstrador ay dinala at isinakay sa mga bus sa harap ng Trump Tower, habang may helicopter at drone na nagmamasid sa taas.

Samantala, sa Columbia University, kung saan nag-aral si Khalil, inanunsyo ng mga administrador ng unibersidad na ang mga estudyante na kasangkot sa mga protesta laban sa aksyon ng Israel sa Gaza noong nakaraang taon ay nakatanggap ng mga parusang administratibo, tulad ng suspensyon, pansamantalang pagkansela ng degree, at pagkatanggal sa unibersidad.

Ang hakbang na ito ay ginawa ilang araw matapos bawasan ng administrasyong Trump nang $400 million ang federal funding para sa mga university at inakusahan din si Trump ng hindi pagtugon sa mga isyu ng anti-Semitism.

Nabatid na si Khalil ay lider ng mga protesta na isinasagawa sa Unibersidad at inakusahan ng administrasyong Trump ng pagsuporta sa Hamas, ang militanteng grupo na responsable sa pag-atake noong Oktubre 7, 2023.

Ang kanyang pagkaka-aresto ay nagdulot ng mahabang pag-kagalit mula sa mga kritiko ng administrasyong Trump kabilang na ang mga tagapagtanggol ng kalayaan sa pagpapahayag, na nagsasabing ito ay isang banta sa karapatan ng malayang pagsasalita.