Nanganganib na mapa-deport ang nasa daan-daang libo na hindi dokumentadong Pinoy workers sa Amerika sa ilalim ng Trump administration na maaaring magresulta sa permanenting pagbabawal sa kanila na muling makapasok ng US.
Bunsod nito, nanawagan na si Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez sa mga undocumented Pinoy workers doon na boluntaryong umaalis o simulan ng i-proseso ang kanilang mga dokumento para magkaroon ng legal status bago pa man umupo sa White House si US President-elect Donald Trump sa susunod na taon.
Ayon kay Amb. Romualdez, tinatayang nasa 250,000 hanggang 300,000 ang hindi dokumentadong Pilipino na kasalukuyang nasa Amerika.
Saad pa nito na posibleng ipagpapatuloy ni Trump ang kaniyang mga plano na maramihang pagpapa-deport sa mga illegal immigrant na mangangailangan aniya ng maraming resources.
Sa ngayon, tila imposible ng hindi ma-detect ang mga hindi dokumentadong indibidwal sa Amerika dahil interconnected na ang iba’t ibang US departments mula sa immigration hanggang sa transportation security administration (TSA).
Bukod dito, posible ding magpasa at magpatupad ng mas mahigpit na immigration laws ang Trump administration na sinusuportahan na ngayon ng US Congress na kontrolado ng Republicans.
Nitong Biyernes nga, binigyang diin ni Trump na tutuparin niya ang kaniyang pangako sa kaniyang kampaniya para sa malakihang deportation effort sa kasaysayan ng Amerika.
Sa kabila naman nito, iginiit ni Amb. Romualdez na maaaring palawigin ang legal aid para sa mga Pilipino para legal na makapagtrabaho sa Amerika.
Mayroon aniyang nagpapatuloy ngayon na pag-uusap sa mga opisyal ng Guam para mapataas ang pag-hire sa mga Pilipinong construction workers sa mga military bases. Mas gusto umano ng mga Amerikano ang mga manggagawang Pilipino dahil sa kanilang husay.
Sa healthcare sector naman, may ilan na aniyang mga health services companies ang lumapit sa kaniya para mapataas pa ang bilang ng Filipino nurses na maaaring ma-hire mula sa Pilipinas.
Ibinunyag din ng PH Ambassador na sa katunayan may mga Filipino-Americans na nagtratrabaho sa business empire ni Trump partikular na sa kaniyang mga hotel at golf clubs. Kinikilala umano ni Trump ang mga Pilipino bilang mahuhusay na manggagawa.