-- Advertisements --

Daan-daang libong indibidwal ang nawalan ng tirahan sa Mindanao dahil sa malawakang pagbaha dulot ng sama ng panahon.

Sinabi ni DSWD Asec. Irene Dumlao na may kabuuang 104,000 pamilya o 395,000 indibidwal ang nawalan ng tirahan dahil sa baha.

Aniya, mahigit 21,000 pamilya o mahigit 82,000 katao ang kasalukuyang nananatili sa 334 evacuation centers.

Matatandaang bumuhos ang ulan sa ilang bahagi ng Mindanao, ang pangalawang pinakamalaking isla sa bansa, sa loob at labas ng ilang linggo at kinailangang inilkas ang libu-libong tao sa mga emergency shelter.

Kaugnay nito ay sa kasalukuyan,baha pa rin ang ilang bahagi ng Davao del Norte.

Ayon sa datos ng DSWD, nasa 80 hanggang 90 porsiyento ng buong populasyon ang apektado ng pagbaha.

Namahagi na ang DSWD ng P26.9M na halaga ng food packs sa mga apektadong lugar.

Una na rito, umakyat na sa 17 ang bilang ng mga namatay sa malawakang pagbaha at pagguho ng lupa sa Davao region.