Naiyak ang ilang locally stranded individuals (LSI) makaraang sabihan ng organizer ng Hatid Tulong program na ang iba ay “nagpapapansin o nananamantala na.”
Isa sa nakapanayam ng Bombo Radyo ay si Ginang Vilma ng San Rafael, Iloilo ang nagsabi na pitong buwan na siya sa Metro Manila matapos na hindi makaalis bilang OFW patungong Saudi dahil sa lockdown.
Giit ng ginang hindi siya nagpapanggap lamang gayundin ang iba pa niyang mga nakausap na pansamantalang nananatili sa gate ng Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.
Bagamat meron naman daw siyang ticket sa eroplano pabalik ng Iloilo, palagi na lamang nakakansela ang biyahe.
Kaya naman nagbakasali siya na sana ay makauwi na rin siya sa pamamagitan ng Ro-Ro vessel o ng bus.
Ilan pa sa mahigit 400 mga LSI na nakausap ng Bombo Radyo ay mga LSI na patungong Basilan.
Anila, isang linggo na rin sila sa lugar at gamit lamang ang mga trapal sa kanilang pagtulog.
Nakakaraos din daw sila sa pagkain dahil sa pagmamagandang loob ng ilang mga kababayan.
Nataon naman na ang grupo ng mga sundalo ay namigay ng kanilang pagkain para sa hapunan.
Una rito, pansamantalang natigil ang paghahatid sa mga LSI dahil nasa quarantine period pa ang mga driver ng mga bus at iba pang tauhan na naghatid sa mga naunang batch patungong mga probinsiya.
Dahil sa hindi pa nakahanap ng schedule, nitong araw ng Biyernes hahakutin ang mga LSI pabalik sa kanilang mga pinanggalingan sakay ng mga trucks ng AFP.
Una nang sinabi ni Asec. Joseph Encabo, lead convener ng Hatid Tulong Program na bago matapos ang linggong ito ay makakahanap sila ng centers o kaya coliseum na pansamantala munang patutuluyin ang mga walang mapuntahan na bahay.
Kanya namang kinumpirma na meron na ring mga LGUs sa probinsiya ang nag-ulat sa kanila na pwede na ring tumanggap muli ng mga LSI liban lamang sa lalawigan ng Masbate.