TACLOBAN CITY – Daan-daang mga pasahero at sasakyan ang stranded na sa ngayong sa ilang mga pantalan sa Northern Samar dahil sa bagyong Dante.
Ito ay matapos na itaas ang Signal No. 2 sa buong probinsya ng Northern Samar gayundin sa Eastern Samar, Samar, Biliran, Leyte at Southern Leyte.
Ayon kay Dexter de Leon, Acting Station Commander ng Northern Samar Coast Guard Station, sa ngayon ay aabot na 400 ang stranded na mga pasahero at 170 naman na mga rolling cargoes ang hindi na pinayagang makabyahe kasama na ang mga trucks, lighs cars at bus.
Siniguro naman ng mga LGUs na mabibigyan ng tulong at pagkain ang mga stranded passengers.
Samantala, patuloy rin ang paghahanda ng ilang mga bayan sa rehiyon lalong lalo na sa Eastern Samar kung saan inaasahang maglandfall ang bagyo.
Ayon kay Guiuan, Eastern Samar Mayor Analiz Gonzales Kwan, sa ngayon ay nakahanda na ang mga responders at DRRM offices sa posibleng pagpatupad nga preemptive evacuation lalong lalo na sa mga coastal areas ng kanilang bayan.