-- Advertisements --

ILOILO CITY – Mas mahigpit na border control ang ipapatupad sa Iloilo City simula ngayong araw hanggang sa ika-31 ng Mayo.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Iloilo City Mayor Jerry Trenas, sinabi nito na tinitiyak nila na ang lahat ng papasok sa lungsod ay yun lamang mga awtorisado batay sa alituntunin ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Ginawa ng pamahalaang lokal ang hakbang upang mapababa ang kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Karamihan sa naging kaso sa Iloilo City ay mula sa mga lamay at mga pagtitipon.

Nilinaw naman ng alkalde na pinapayagan pa rin na pumasok sa lungsod ang mga authorized persons outside of residence (APOR), Locally Stranded Individuals (LSI) at Returning Overseas Filipino Workers.

Ang mga dadaan sa mga quarantine control points ay kailangang magpakita ng valid Identification Card (ID) kung saan may nakadeploy na Philippine National Police, Philippine Coast Guard at Philippine Army.

Ang mga senior citizen at mga menor de edad ay pinagbabawalang pumasok at lumabas sa border control.

Bukas naman na full on site capacity ang ospital, health emergency at frontline services, manufacturer ng mga gamot, mga fishery at livestock, energy sector (oil, gas at power companies), telecommunicatios companies, airline at aircraft maintenance, at funeral services.

50 percent on site capacity naman ang pinapayagan sa media establishments at 30 percent sa mga business process outsourcing (BPO) companies.

Bawal rin ang mass gatherings maliban lang sa religious gatherings kung saan 10 percent capacity lang ang papayagan.

Ang border restrictions sa Iloilo City ay epektibo para sa mga residente ng Guimaras, Negros Island at iba pang mga kalapit na lalawigan.

Samantala, ayon naman kay Police Captain Shella Mae Sangrines, spokesperson ng Iloilo City Police Office, sinabi nito na daan daang mga pulis ang itinalaga sa mga border control upang magpatupad ng seguridad.

Inamin rin ni Sangrines na may nagtatangka rin na pumuslit sa mga border control lalo na ang mga kabataan at mga matatanda.