LEGAZPI CITY – Bumisita sa Padang Memorial Shrine ang ilan sa mga kamag-anak ng mga biktima ng malagim na trahedya sa pagdaloy ng lahar mula sa Bulkang Mayon sa kasagsagan ng supertyphoon Reming noong Nobyembre 2006.
Itinayo ang kilalang landmark sa Lungsod ng Legazpi bilang pag-aalala sa nasa 700 katao na nailibing ng buhay sa pagragasa ng putik mula sa bulkan matapos ang malakas na mga pag-ulan.
Daan-daan rin ang hindi na nahanap dahil sa insidente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Jeanette Echaluce Ardales, taunan na umano nitong dinadalaw ang naturang shrine upang ipanalangin ang kaluluwa ng pumanaw na ina’t ama, maging ng ilan pang pinsan.
Dahil aniya sa walang mapuntahang partikular na lugar kung saan nalibing ang mga kamag-anak sa shrine na lang ito nagtutungo tuwing Undas dala ang basket ng bulaklak at kandila.
Hanggang sa ngayon kasi ay hindi pa nahahanap ang kinaroroonan ng mga ito na nalibing ng buhay sa lupa.
Sa Nobyembre 30, muling gugunitain ang anibersaryo ng naturang trahedya.