Lumikas na ang daan-daang pamilya sa Canlaon city sa gitna ng volcanic unrest ng Bulkang Kanlaon sa Negros Oriental.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development, nasa 88 pamilya na o 248 indibidwal ang lumikas patungo sa mga paaralan na ginamit pansamantala bilang evacuation center nitong gabi ng Martes.
May 65 pamilya naman o 204 indibidwal ang lumikas sa Barangay Masulog habang nasa 10 pamilya o 31 indibidwal naman ang nag-evacuate sa Barangay Malaiba gayundin 3 pamilya ang lumikas sa Barangay Pula.
Base sa latest report ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ngayong Miyerkules, nakapagtala ang ahensiya ng 337 volcanic earthquakes mula sa bulkan sa nakalipas na 24 oras.
Nakapagtala din ng malakas na pagsingaw o plume mula sa bulkan na may 1000 metrong taas na napadpad sa timog-silangan
Nagbuga din ang bulkan ng 9,985 tonelada ng asupre nitong nakalipas na araw.
Samantala, una ng ibinabala ng Phivolcs ang posibilidad ng eruption ng bulkan at posibleng pagtaas ng alert level kasunod ng ilang serye ng volcanic earthquakes.
Sa ngayon, nananatili sa Alert Level 2 ang bulkan kayat pinagbabawalan ang publiko na pumasok sa 4 kilometer radius permanent danger zone ng bulkan gayundin ang pagpapalipad ng sasakyang himpapawid malapit sa tuktok ng bulkan.