CENTRAL MINDANAO-Lumikas ang maraming sibilyan dahil sa rido o alitan ng mga armadong grupo sa probinsya ng Cotabato.
Ayon kay Midsayap Chief of Police,Lieutenant Colonel John Miridel Calinga na lumikas ang mga residente ng Barangay Malingao Midsayap Cotabato dahil sa presensya ng mga armadong grupo.
Kapwa umano may kinaaanibang Moro Fronts ang dalawang pamilya kaya armado ito ng matataas na uri ng armas.
Nasa paligid lamang ang tropa ng 34th Infantry Battalion Philippine Army at pulisya na nagbabantay sa mga lumikas na sibilyan.
Agad namang namigay si dating Cotabato Ist District Board Member Rolly Sacdalan ng noodles,tubig,arozcaldo at mga karton na matutulugan ng mga bakwit na pansamantalang lumikas sa mga paaralan at Brgy covered court sa Brgy Bual Norte sa bayan ng Midsayap.
Dumating rin ang mga kawani ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa pamumuno ni Karl Ballentes para tugunan ang pangangailangan ng mga bakwit.
Matatandaang ilang mga residente na rin ang nabaril dulot ng alitan ng dalawang pamilya sa bayan ng Midsayap Cotabato.