KORONADAL CITY – Umabot na sa daan-daang pamilya mula sa apat na bayan sa South Cotabato ang apektado ng baha dahil sasunod-sunod na pagbuhos ng malakas na ulan.
Ito ang inihayag ni Ms. Jorie Mae Balmediano, information officer ng OCD 12 sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Balmediano, kabilang sa mga lugar na naging apektado ng baha ay ang mga bayan Banga, Tupi, Tantangan at Norala.
Sa bayan ng Banga, higit 100 mga kabahayan mula sa mga Barangay Poblacion, Reyes, Cinco at Lamba ang binaha matapos umapaw ang tubig-baha sa ilog.
Naitala din ang pagkakasira ng mga daan, Barangay Hall at mga box culvert kaya’t may ilang daan na hindi passable sa ngayon.
Samantala, nasa halos 30 pamilya naman ang pansamantalang lumikas mula sa mga Barangay Cebuano at Bololmala sa bayan ng Tupi.
Sa katunayan, may 10 indibidwal ang ni-rescue ng Barangay at MDRRMO-Tupi dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig-baha at hindi makaalis sa kanilang bahay.
Halos nawasak din ang kabahayan ng nabanngit na mga pamilya dahil sa lakas ng current ng tubig-baha.
Ganuon din ang scenario sa ilang mga barangay sa bayan ng Norala na parati nang binabaha sakaling bumuhos ang malakas na ulan.
Samantala, baha at malakas na hangin naman ang nanalasa sa bayan ng Tantangan, South Cotabato.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang validation at assessment ng bawat MDRRMO sa mga lugar na apektado ng kalamidad.
Ngunit, nakatanggap na ng ayuda o agarang tulong ang mga apektadong pamilya.