-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Lumikas ang daan-daang pamilya mula sa tatlong barangays sa lungsod ng Koronadal matapos na sinalanta ng malawakang baha.

Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo Koronadal ni City Disaster Risk Reduction Management Officer (CDRRMO) Cyrus Urbano.

floods koronadal

Kabilang sa mga apektadong lugar ay ang Barangay Cacub, Barangay Topland, Mabini, Caloocan at Barangay Esperanza.

Nakaranas ng malawakang baha ang mga residente na nakatira sa gilid ng ilog na umapaw dahil sa rumaragasang tubig-baha mula sa kabundukan matapos na bumuhos ang malakas na ulan.

Sa panayam nga ng Bombo Radyo sa isa sa mga residente na apektado sa Barangay Cacub na si Ellen Posadas, sinabi nito na hanggang leeg daw ang baha sa kanilang lugar kung saan inanod ang kanilang bahay at lumangoy pa ang kanyang asawa upang makaligtas lamang.

Inanod din ng baha ang mga gamit, mga alagang hayop at maging ang mga made of light materials na mga bahay ng mga residente na apektado.

Sa ngayon may mga evacuees na pansamantalang nanunuluyan sa mga barangay gym upang maging ligtas sakaling bumuhos muli ang malakas na ulan.

Maliban dito, may mga nitso naman na sinira at inanod ng baha sa sementeryo sa bahagi ng Barangay San Jose.

May mga daan din na hindi madaanan matapos mawasak ang mga tulay dahil sa baha.

Halos pinadapa at winash-out naman ng baha ang mga pananim na palay at palaisdaan ng mga apektadong pamilya.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang damage assessment sa kabuuang pinsala na iniwan ng kalamidad.

Nananawagan naman ng tulong ang mga apektadong pamilya.