-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Nasa 210 kilos na processed pork and meat products ang sinunog at inilibing ng Department of Agriculture (DA) Veterinary Quarantine Service at Office of the Provincial Veterinarian (OPVET) sa sanitary landfill sa Kalibo, Aklan.

Ayon kay Dr. Christine Lyn Melgarejo, veterinary quarantine officer sa Kalibo International Airport, ang nasabing processed meat products ay nakumpiska ng Bureau of Customs mula sa mga pasaherong Chinese national na inilagay pa sa kanilang hand carry bag at luggage.

Sa kabila aniya ng mahigpit na paalala sa mga dayuhan ay patuloy pa rin ang mga ito na nagdadala ng mga pagkain mula sa kanilang bansa upang baunin papuntang Boracay.

Samantala, naglatag ng checkpoint ang DA at OPVET sa entry at exit boarder point ng Aklan upang matiyak na walang makapasok na anumang hayop na maaaring pagmulan ng sakit na Avian Influenza (bird flu), foot-and-mouth disease, at African swine fever.