Inaresto ang daan-daang protester sa iba’t ibang university campuses sa Amerika sa nakalipas na 24 oras.
Sa New York, aabot sa 300 protesters ang inaresto sa magdamag sa Columbia University at City College of New York habang ilang dosena naman ng mga nagpoprotestang estudyante ang inaresto sa Universtiy of Wisconsin-Madison kasabay ng pagkilos ng law enforcement na kalasin ang encampment sa loob ng mga campus.
Sa Los Angeles naman, may naitalang 15 katao na nasugatan at 1 na-ospital sa University of California, Los Angeles (UCLA) matapos ang naganap na karahasan sa pagitan ng pro-Palestinian protesters at Israel supporters. Bunsod nito, kinansela ng UCLA ang mga klase nitong Miyerkules at kasalukuyang nakaistasyon ang mga pulis sa campus para tumulong sa pagpapatupad ng seguridad sa lugar.
Una rito, bagamat magkakaiba ang mga dinidemand ng mga protester sa bawat unibersidad, mayorya ng isinasagawang demonstrasyon sa Amerika ngayon ay nananawagan para i-boycott ang mga kompaniya at indibidwal na may kaugnayan o sumusuporta sa Israel sa gitna ng giyera nito sa Gaza.