-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Daan-daang mga residente mula sa mga probinsiya ng South Cotabato at Sultan Kudarat ang apektado sa ngayon ng malawakang baha dulot ng magdamag na pagbuhos ng malakas na ulan.

Umabot sa tatlong mga barangay sa Bagumbayan, Sultan Kudarat ang binaha kung saan isang barangay din sa nabanggit na bayan ang isolated sa ngayon dahil sa abot dibdib na tubig-baha.

Ito ang kinumpirma ni Harry John Hurtada, chief for operations and warning ng MDRRMO Bagumbayan sa panayam ng Bombo Radyo.

Ayon kay Hurtada , ang nasabing mga lugar ay kinabibilangan ng Barangay Poblacion, Daguma at Kapaya.

‘Di naman mapasok ang Barangay Daguma dahil sa mataas na tubig-baha kung saan nagsagawa din nga rescue operation sa mga apektadong residente doon.

Maliban dito, ekta-ektaryang palayan din ang sinira ng baha at may mga naitalang alagang hayop na inanod.

Samantala, nasa 3 Purok naman sa Barangay San Jose sa bayan ng Norala, South Cotabato ang tinamaan din ng kalamidad.

Ayon kay Aiza Lim, MDRRMO ng bayan ng Norala umapaw ang tubig-baha sa irrigation canal dulot ng maraming rurok at basura na nagdulot ng baha sa mga residenteng nakatira malapit dito.

Agad naman na nagsagawa ng monitoring at surveillance ang MDRRMO Norala sa mga apektado.

Sa ngayon, inaalam pa ang kabuuang pinsala na iniwan ng kalamidad sa nabanggit na mga lugar.