KORONADAL CITY – Pahirapan sa ngayon ang pagtawid sa binahang tulay sa bayan ng Tampakan, South Cotabato matapos na umapaw ang rumaragasang tubig sa Barangay Liberty dulot ng malakas na pagbuhos ng ulan.
Dahil dito apektado sa ngayon ang mga residente mula sa Barangay Danlag, Pulabato, Tablo at Palo 19.
Tumulong naman sa mga na-trap na residente na makatawid sa binahang tulay ang mga kasapi ng 1205th Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 12 at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council.
Nagpahirap din sa rescue operation ang malaking puno na inanod ng baha na humambalang sa tulay na pinagtulungan namang tanggalin.
Samantala, nasira din ang bahagi ng provincial road papuntang Miasong, Tupi, South Cotabato matapos ang malakas na pagbaha dulot ng ilang araw na pag-ulan sa probinsya.