-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Umabot na halos kalahating kilometro ang haba ng pila ng daan-daang residente na umaasang makakatanggap ng aginaldo mula sa alkalde ng lungsod ng Bacolod ngayong araw.

Napag-alaman na ngayong araw ay mamimigay ng regalo si Mayor Evelio Leonardia sa Bacolod Arts and Youth Sports Center kaya’t dumagsa ang mga Bacoleño at nagpila sa labas ng bahay ng alkalde.

Simula pa lang alas-12:00 kaninang madaling araw ay nagsimula ang pagpila nga daan-daang residente sa labas ng bahay ni Mayor Leonardia sa Rosario St. Brgy. 38.

Kasama sa mga pumila ang 75-anyos na si Eden Alarcon mula sa Galo Street at marami pang ibang matatanda.

Sa panayam kay Alarcon, sinabi nitong alas-3:00 pa lang kanina ay pumila na ang mga ito upang makakuha ng number at sila ay isinasakay sa bus papuntang Bays Center kung saan gaganapin ang pamimigay ng regalo.

Ang mga residente ay nakapila na sa Libertad-Mabini Streets papuntang Lacson at Rosario Street na patuloy na nadadagdagan.