-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagdulot ng takot sa mga residente ng dalawang barangay sa bayan ng Kabacan, North Cotabato ang inilunsad na operasyon ng military laban sa mga rebeldeng NPA at kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Figthers o BIFF kaya’t nagsilikas ang mga ito.

Kinumpirma mismo ni Kabacan Special Geographic Area Administrator Jabib Guiabar na nagdulot ng tensiyon ang isinagawang military operation sa mga barangay ng Simune at Pisan kung saan target ng AFP ang namataang mga myembro ng New People’s Army at BIFF.

Ngunit, inakala naman ng mga residente na ang lulusubin ng mga sundalo ang Camp Usman ng MILF sa lugar kaya’t nagpanic ang mga ito at nagsipaglikas.

Dahil sa nangyari, agad lumikas ang mga residente at nagtungo sa mas ligtas na lugar.

Dala-dala pa sa paglikas ng mga residente ang kanilang mga alagang hayop patungo sa mas ligtas na lugar.

Napag-alaman na ang barangay Simonie ay sakop ng CAMP Usman o MILF Camp na pinamumunuan ni MILF Kapalawan Provincial Committee Commander Datu Kineg Inalang at napaloob din sa Special Geograpic Area ng Bangsamoro Autonomous Region In Muslim Mindanao – BARMM.

Inalis naman ng AFP sa ngayon ang takot ng mga residente at ipinaliwanag na isang lehitimong operasyon laban sa mga terorista ang kanilang pakay.