-- Advertisements --

BACOLOD – Umabot sa 300 residente ang nag-evacuate sa isang barangay sa lungsod ng Canlaon sa Negros Oriental kasunod ng police operations na ikinamatay ng 14 indibidwal nitong Sabado.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Kapitan Edna Masicampo ng Barangay Binalbagan, galing sa mga sitio ng Inukot, Kanoki at Bonbon, ang lumikas na residnte.

Sinabi ni Masicampo na nag-evacuate ang mga residente simula pa nitong Lunes dahil sa takot ng mga ito na magka-engkwentro ang mga otoridad at New People’s Army (NPA) kasunod ng mga nakitang pulang tela na itinusok sa daan sa dalawang lugar sa barangay.

Natakot aniya ang mga residente kasunod ng police operations kung saan 14 ang namatay sa operasyon sa Canlaon City, bayan ng Manjuyod at Sta. Catalina.

Pansamantalang nananatili ang mga evacuee sa barangay hall at sa Binalbagan Elementary School.

Ngunit pinawi naman ng kapitan ang takot ng mga residente at pinayuhang huwag mag-alala kung wala naman silang kasalanan sa gobyerno.

Matapos ang payo ng punong barangay, may ilang residente na umuwi na ngunit may ilan pa ring nananatili sa evacuation center.