LEGAZPI CITY – Daan-daang sasakyan ngayon ang nakapila sa loob at labas ng Matnog Port sa Sorsogon, maging sa Maharlika Highway matapos na maantala ang biyahe dahil sa Bagyong Odette.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Matnog Port Manager Achilles Galindes, pumalo na sa 402 na trucks, isang bus at 23 light vehicles ang nakaparada sa highway habang may 45 trucks pa, isang bus at 11 light vehicles sa loob ng pantalan.
Subalit mababa pa umano ang naturang volume ng sasakyan kung ihahambing sa mga nagdaang bagyo.
Ipinagpapasalamat ito ni Galindes sa maagang pagsuspinde ng Land Transportation Office (LTO) Bicol ng land travels mula Metro Manila patungong Sorsogon at tatawid ng Visayas at Mindanao noong Lunes, Disyembre 13.
Samantala, manageable pa naman umano ang sitwasyon sa pantalan habang nakapaghatid na rin ang Philippine Red Cross at provincial government of Sorsogon ng hot meals para sa mga apektado.
Nabatid na nasa higit 1, 000 pasahero rin ang pinigilan munang bumiyahe dahil sa bagyo.