CENTRAL MINDANAO – Tila nasa balag ng alanganin ngayon ang pangakong ” yayaman na ang mga magsasaka,” anim na taon makaraang mabiyayaan ng Rice Processing Center (RPC) ang Midsayap-Pigcawayan-Libungan-Kabuntalan Federation of Irrigators Association (MPLK) sa unang distrito ng North Cotabato.
Bukod kasi sa Rice Tarrification Law (RTL), ang marketing ang isa pa sa natutukoy na problema ng asosasyon kung bakit hindi makaabante ang maganda sanang ayuda ng pamahalaan sa 27 farmers organization na kasapi nito.
Ayon kay Dante Cudal, federation president ng MPLK, taong 2014 nang e-release sa kanila ng Department of Agriculture (DA) ang P16 million worth na RPC at P2 milyong capital na ipambibili ng produktong palay ng kanilang mga miyembro.
Sa ngayon ay nakatambak lamang sa kanilang warehouse ang mahigit 1,000 sako ng palay at bigas at natingga rin ang kanilang kapital.
Panawagan ngayon ni Cudal na sana ay baguhin ang procurement system at e prioritize sila ng mga LGUs at iba pang ahensya ng pamahalaan na nangangailangan ng bigas lalo pa at galing din sa pamahalaan ang kanilang pondo.
Sa kanilang pakikipag-usap kay Cotabato Governor Nancy Catamco, agad na nangako ng ayuda ang gobernadora upang mapagaan ang problemang kanilang kinakaharap kabilang dito ang pagbibigay ng dagdag na tig-P1 milyong kapital bawat RPC, rice cleaner at solar driers.
Naniniwala si Cudal na matutulungan sila ni Governor Catamco sa usapin ng pagbebenta (marketing) ng kanilang mga palay dahil isa ito sa mga isinusulong ng gobernadora bilang isang mahalagang aspeto na makamit ang masaganang Cotabato.