Plano ng National Irrigation Administration (NIA) na paramihin pa ang itatayong mga solar-powered irrigation project sa susunod na taon.
Ito ay bilang tugon ng NIA sa pangangailangan ng mga magsasaka ng mas maraming supply ng tubig sa mga sakahan ng bansa.
Ayon sa NIa, mayroong nakalinya na 183 solar irrigation projects sa ibat ibang panig ng bansa.
Ito ay may kabuuang pondo na P1.7billion, at inaasahang makakapagpatubig o maseserbisyuhan ang mahigit sa 2,000 ektarya ng mga taniman.
Ang mga naturang proyekto ay maliban pa sa 791 potential sites na isinusulong nilang mapasama sa naturang proyekto. Kung maaaaprubahan at mabibigyan din ng budget ang mga ito, inaasahang mapapatubigan dito ang hanggang sa 39,694 na ektarya ng lupain.
Sa kasalukuyang taon, umabot na sa 17 ang nakumpletong solar projects ng naturang tanggapan, na may kabuuang pondo na P117.3million.
Batay sa naging ulat ng NIA, napapakinabangan na ito ng mahigit 800 na magsasaka at nakakapagpatubig ng hanggang 830 ektarya ng mga sakahan sa ibat ibang panig ng bansa.