-- Advertisements --
Dacera slay case respondents

Ibinasura na ng Makati Prosecutor’s Office ang kasong rape at homicide na isinampa laban sa 11 kalalakihan na dawit umano sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera noong Enero 1.

Sa 19 na pahinang resolusyon na may petsang Abril 23, 2021, sinabi ni Assistant City Prosecutor Joan Bolina-Santillan na hindi sapat ang mga ebidensyang inilatag upang mapatunayan na may naganap na rape, homicide o rape with homicide sa insidente.

Batay sa resolusyon, ang rape at homicide charges laban kina John Pascual Dela Serna III, Romel Galido, John Paul Halili, Gregorio Angelo De Guzman, Jezreel Rapinan, Alain D. Chen, Mark Anthony Rosales, Reymar Englis, Louie Delima, Jamyr Cunanan, at Eduard Pangilinan ay dinismiss dahil sa kakulangan ng probable cause.

Inaprubahan naman ni Deputy City Prosecutor Henry Salazar at City Prosecutor Dindo Venturaza ang naturang resolusyon. Nagtapos ang preliminary investigation sa kaso noong Pebrero 18.

Noong Marso, bukod pa sa kasong rape at homicide ay naghain din ng criminal charges ang pamilya Dacera sa National Bureau of INvestigation (NBI) laban sa mga lalakeng kasama ng 23-anyos na si Dacera noong gabi na namatay ito sa City Garden Grand Hotel sa Makati City.

Nagsampa naman ng kaso ang NBI dahil sa paglabag ni Rosales sa Republic Act 9165, or the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na di-umano’y nagdala ng party drugs sa nasabing hotel, at si Galido naman para sa pagdedeliver at pagbibigay ng iligal na droga.

Reckless imprudence resulting in homicide naman ang isinampa kila Dela Serna III, Rapinan, Chen, and Delima dahil sa hindi pagtanggap kay Dacera.

Subalit batay sa naging imbestigasyon ng ahensya ay wala itong nakitang proof of abrasion sa ari ng biktima, taliwas sa sinasabi ng mga forensic experts.

Magugunita na wala nang buhay nang matagpuan ang flight attendant sa bathtub ng kanilang tinutuluyang hotel. Kalaunan ay idineklara itong dead on arrival sa Makati Medical Center.

Nabatid naman sa toxicology examination ng bangkay na may presensya ng Diltiazem, o gamot para sa high blood pressure.