Tila nabunutan daw ng tinik sa dibdib ang 11 respondent sa pagkamatay ng Philippine Airlines flight attendant na si Christine Dacera matapos absuweltuhin ng korte sa Makati.
Ayon sa abogado nina Clark Jezreel Rapinan, John Paul Halili, Gregorio De Guzman na si Atty. Mike Santiago, malaking kaginhawaan daw ang naramdaman ng kanyang mga kliyente sa desisyon ng Makati City Prosecutor’s Office.
Kung maalala, kasong rape with homicide ang isinampa sa 11 respondents sa pagkamatay ng flight attendant na tubong General Santos City.
Kabilang sa respondents na naabsuwelto sa kaso sina John Paul Dela Serna III, Rommel Galido, John Paul Halili, Gregorio Angelo Rafael de Guzman, Jezreel Rapinan, Alain Chen, Mark Anthony Rosales, Reymar Englis, Louie Delina, Jamyr Orris Cunana at Eduard Pangilinan III.
Ayon sa piskalya, wala silang nakitang sapat na basehan o walang probable cause para iakyat sa korte ang reklamo laban sa naturang respondents.
Batay sa 19 pahinang resolusyon ni Makati Prosecutor Joan Santillan, hindi sapat ang mga ebidensiya na naiprisinta ng depensa para madiin sa kasong rape with homicide ang 11 akusado.
Iginiit din ng piskalya na ruptured aortic aneurysm ang sanhi ng pagkamatay ng flight attendant.
Patuloy namang gumugulong sa Department of Justice (DoJ) ang hiwalay na reklamong inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng Dacera case.
Si Dacera ay natagpuang wala nang malay sa isang buthtub sa inupahang hotel room sa Makati kasama ang kanyang mga kaibigan noong January 1.
Ayon sa kanyang mga magulang, hinaluan daw ng iligal na droga ang inumin ni Christine at hinalay ito, bagay na mariing itinanggi naman ng mga inaakusahang kaibigan nito.