Nanindigan si Vice President Leni Robredo na dadalo lamang siya sa mga pulong ng Gabinete sakaling imbitahan itong pumunta.
Ayon kay Robredo, kailangan pa nitong linawin kung Cabinet position ba ang kanyang panibagong trabaho bilang co-chairman ng the Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD), dahil hindi raw ito na-specify nang matanggap nito ang appointment.
“In-appoint ako, dinesignate ako as co-chairman ng ICAD, ‘yung Cabinet position, Cabinet rank, hindi siya nakasaad doon sa designation. Sinasabi lang ‘yun ni Sec. (Salvador) Panelo during briefings, media guestings, pero ako maghihintay ako na i-clarify kung ano talaga,” wika ni Robredo.
Dagdag ng pangalawang pangulo, susundin lang nito ang naunang direktiba sa kanya ng Malacañang na huwad magtungo sa mga Cabinet meetings puwera na lang kung imbitado ito.
“Until such time na walang bagong order, ‘yung dating order nila stands, na hindi ako maga-attend ng Cabinet meetings.”
Para aniya kay Robredo, ang kooperasyon sa pagitan ng mga ahensya ay mas mahalaga kumpara sa pagiging imbitado sa mga pulong.
“Pero sa akin hindi importante. Ang importante, cooperation ng mga agencies. Makikita natin ‘yung sincerity ng offer kung ‘yung mga agencies, fully mag-cooperate,” ani Robredo.
Matatandaang noong 2016 ay inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Robredo, na Housing secretary noong mga panahong iyon, na huwag nang pumunta sa mga Cabinet meetings dahil sa “irreconcilable differences.”
Kalaunan ay nagbitiw naman ito bilang chair ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC).